Miyembro ng Aegis Juris tatayong state witness sa Atio Castillo case
Ikinanta na ni Aegis Juris fraternity member Mark Anthony Ventura sa Department of Justice ang nalalaman nito sa pagpatay sa UST law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Sa isang panayam, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na nagpunta si Ventura at pamilya nito sa DOJ kahapon ng hapon para ilahad ang lahat ng nalalaman nito at mag-aplay bilang state witness sa nasabing kaso.
Nakatakdang kumpletuhin ngayong araw ni Ventura ang mga requirements para sa tuluyang makapasok sa Witness Protection Program ng DOJ.
Dahil dito, matatanggal na si Ventura sa listahan ng mga respondent sa kaso.
Kumpiyansa si Aguirre na sapat na ang testimonya ni Ventura na nasa hazing mismo ni Castillo para mapalakas ang kaso laban sa mga suspek.
Handa naman daw si Ventura na harapin ang anumang kahihinatnan ng kanyang hakbang kabilang ang pagbibitiw o pagkakatanggal mula sa Aegis Juris fraternity.
Napag-alaman rin na si Ventura ang tumatayong secretary ng kanilang fraternity.
Sinabi rin ng kalihim na mahigit sa sampung miyembro ng Aegis Juris Fraternity ang nambugbog kay Castillo hanggang sa mawalan ito ng malay sa ginanap na initiation rite noong nakalipas na buwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.