‘CARPOCALYPSE’ SA EDSA ni Jake Maderazo

September 14, 2015 - 07:12 AM

jake 2SIMULA ngayon, todo higpit ang PNP-HPG sa kahabaan ng 23.8 kilometrong EDSA mula Caloocan hanggang Pasay na noon ang tawag ay Highway 54 o kaya ay C-4.

Todo higpit na rin sa mga motorista at ipatutupad ang “yellow lane” para sa mga Metro at provincial buses samantalang ang mga cargo trucks ay bawal sa Edsa pag rush hour, simula alas-6 hanggang 10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi. Isasara din ang mga U-turn slots sa Trinoma-Landmark, SM North at maglalagay ng traffic lights sa Pasay Rotonda para sa mga papuntang Roxas blvd.

May 150 HPG at 20 Special Action Force ang magiging katulong ng 250 MMDA traffic personnel sa pagbabantay sa Edsa simula alas-5 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon sa unang shift at ang pangalawang shift ay alas-2 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi.

Kapag traffic pa rin, hindi raw aalis ang mga kabuuang 420 na pulis at MMDA sa kalye kahit umagahin pa ng susunod na araw.

Ang point man ni PNoy o traffic czar sa Edsa ay si Secretary to the Cabinet Rene Almendras na kung ilang araw ding nasa kanto ng Edsa-P Tuazon para imonitor ang isa sa pinakamatinding choke point – Timog flyover-Kamuning-Cubao-P Tuazon-Santolan papuntang Makati. Isang natural na “bottleneck” kung saan ang “walong lane” galing Cubao ay nagiging “tatlong lane” na lamang sa ibabaw ng tulay.

Kapag nag-rush hour sa hapon, nagiging isang malaking parking lot ang Edsa kaya tinawag natin itong “Carpocalypse” dahil wala talagang galawan talaga. Ika nga, “stranded” ka na parang katapusan ng mundo. Gutom tayo sa sasakyan, hindi makakain, makaihi at sobrang inis na inis.

Marami pong “challenges” sa Edsa na masasabing “political will” lamang ang makakalutas habang wala pang bagong Traffic infrastructure na naitatayo.

edsa trafficUna, ang napakaraming mga provincial bus terminals na nagkalat diyan sa Edsa na dahilan ng matinding trapiko. Kung ako ang tatanungin, isasa-rado ko ang entrance exit ng mga iyan sa Edsa.

Ikalawa, ang trapikong likha ng mga shopping malls. Dapat lang ilayo ang mga U-turn sa mga iyan.

Ikatlo, ang mga istasyon ng MRT ay parking lot din ng mga PUVS, hindi ba dapat ay tinututukan ito?

Ikaapat, ang mga swerving sa papasok ng mga EDSA tunnels (Cubao, P.Tuazon, Shaw,Ayala), karaniwan, walang law enforcers dito at walang hinuhuling motorista.

Ikalima, tutukan ang trapiko sa ilalim ng Santolan flyover lalo’t iyan ang daanan ng mga opisyal ng PNP bukod pa sa babaan at sakayan ng mga pulis kayat parang parking lot ang mga bus sa yellow lane diyan.

Ikaanim, kapag malakas ang ulan ay wala ka nang makitang traffic enforcer sa EDSA, kahit MMDA, HPG o local government traffic police. Nakakapika talaga.

Sa aking palagay, ngayong Lunes, malaki ang maitutulong ng pinahabang “truck ban” at ng istriktong daanan ng mga provincial at metro buses. Sana naman kahit umalma ang mga apektadong negosyante o kaya’y makipag-areglo ang mga masalaping “bus companies”, ay hindi bibigay itong grupo ni Edsa Traffic Czar Rene Almendras. Isang linggo na ang nakakalipas, magkaroon kaya ng tunay na pagbabago o ningas kugon na naman?

TAGS: EDSAtraffic, HPGonEDSA, EDSAtraffic, HPGonEDSA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.