Walang plano si resigned PNP Chief Director General Alan Purisima na magpakita sa Kampo Crame sa pagtatapos ng kanyang anim na buwang suspensyon dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Nabatid na nag-file na si Purisima ng leave simula Martes, ang unang araw ng pagbabalik niya dapat sa active duty status na tatagal hanggang sa susunod na buwan.
Ayon kay PNP Acting PIO Director Sr. Supt. Bartolome Tobias, may mga leave credits pa naman si Purisima kaya’t kung nais pa nitong palawigin ang kanyang leave ay karapatan naman niya ito.
Sa Hulyo 19 ay magreretiro na sa serbisyo si PNP Officer-in-Charge Deputy Director General Leonardo Espina, samantalang sa Nobyembre pa magreretiro sa serbisyo si Purisima pagsapit ng kanyang mandatory retirement age na 56.
Magugunita na ilang araw bago ang nakaraang Pasko, sinuspindi si purisima at ilan pang opisyal ng PNP dahil sa sinasabing Werfast scandal at Pebrero nang magbitiw ito sa puwesto sa kasagsagan ng kontrobersiyang nilikha ng Mamasapano Incident./ Jan Escosio
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.