Suspek sa pangma-martilyo sa pamilya ng bakwit sa Iloilo, kinasuhan na

 

Sinampahan na ng kaso ang suspek sa pangma-martilyo sa pamilya ng mga bakwit mula sa Marawi City.

Sumuko na sa mga pulis ang suspek na napag-alaman na ang tunay na pangalan ay Jay-R Muana, at hindi Mark Ganava tulad ng una niyang sinabi sa mga imbestigador.

Inamin ni Muana sa mga imbestigador na inatake niya si Muamar Ditingki, ang misis nitong si Asnifah at limang buwang gulang na anak nito.

Ito aniya ay bilang paghihiganti kay Ditingki matapos silang magka-alitan isang gabi bago nangyari ang krimen.

Ayon kay Muana, napikon siya kay Ditingki nang awayin siya nito sa hindi niya malaman na kadahilanan.

Dahil dito ay binalikan niya ito kinabukasan kung saan nadatnan niya ang pamilya na natutulog.

Ikinasawi ni Ditingki at ng kaniyang sanggol na anak ang pangma-martilyo sa kanila ni Muana sa ulo, habang si Asnifah naman ay malubhang nasugatan at kasalukuyan pa ring ginagamot sa Western Visayas Medical Center.

Ang pamilya ni Ditingki ay kabilang sa mga pamilyang lumikas mula sa Marawi City dahil sa bakbakan doon.

Naninirahan si Ditingki at ang kaniyang pamilya sa kanilang mga kaanak sa bayan ng Zarraga sa Iloilo kung saan nangyari ang krimen.

Sinampahan si Muana ng mga kasong double murder, frustrated murder at concealing true name sa Iloilo City Prosecutor’s Office.

Gayunman, iginiit ni Muana na may dalawa pa siyang mga kasama nang gawin niya ang krimen at pinilit lamang siya ng mga ito na patayin ang mga biktima.

Isa aniya sa dalawang lalaki ang tinututukan siya ng panaksak habang minamartilyo niya ang pamilya.

Pero ayon kay Chief Insp. Juvy Navales ng Mandurriao District police station, pabago-bago ang mga pahayag ni Muana.

Read more...