Byahe ng mga eroplano sa NAIA, hindi kakanselahin sa panahon ng ASEAN Summit

 

Walang magiging abala sa byahe ng mga eroplanong lalapag sa Ninoy Aquino International Airport sa nalalapit na ASEAN Summit sa Nobyembre.

Inihayag ni Ambassador Marcelo Paynor, Director General for Operations ng ASEAN 2017 National Organizing Council na lahat ng mga delegadong dadalo sa naturang okasyon ay dadating sa bansa gamit ang Clark International Airport sa Pampanga.

Ito aniya ang naging direktiba ng pangulo upang matiyak na hindi maaapektuhan ang mga commercial air traffic na dadaan sa NAIA.

Bagama’t may mga maaapektuhang byahe na lalapag at aalis mula sa Clark, ito aniya ay mas mababa kung ikukumpara sa maaapektuhang flights kung sa NAIA dadaan ang mga dignitaries na dadalo sa ASEAN.

Matatandaang noong panahon na isinagawa ang APEC Summit sa bansa, mahigit sa 400 international at local flights sa NAIA ang nakansela dahil sa pagdating ng mga world leaders sa bansa.

Inaasahang aabot sa 21 world leaders ang pupunta sa Pilipinas kabilang na si United Nations General Antonio Guterres at US President Donald Trump.

Kasama ng mga ito sa pagbisita sa Pilipinas ang daan-daang miyembro ng kanilang mga delegasyon.

 

Read more...