Walang ibinigay na deadline para sa rehabilitasyon ng Marawi City si Pangulong Rodrigo Duterte ayon kay Communications Secretary Martin Andanar.
Maliban dito, sinabi rin ng kalihim na hindi mangyayari sa Marawi City ang mabagal na “Yolanda” rehabilitation.
Matatandaang hindi nasiyahan si Duterte sa kanyang pagbisita sa Tacloban City na sinalanta ng Bagyong Yolanda dahil sa mabagal na paglilipat ng mga pamilyang nawalan ng tirahan.
Sa isang panayam, sinabi ni Andanar na ikinagagalak niyang mabilis ang progreso sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Aniya, napakaaktibo ng Task Force Bangon Marawi para maiahon ang mga Maranao.
Inihalimbawa ni Andanar ang mabilis na pagtatayo ng mga pansamantalang tirahan.
Aniya, inaasahang makakapagtayo ng hindi bababa sa 200 kabahayan ang maitatayo pagdating ng buwan ng Disyembre.
Naglaan ng P5 Billion na inisyal na pondo ang gobyerno para sa rehabilitasyon ng Marawi City.