Rep. Neil Tupas, inireklamo ni DSWD Sec. Dinky Soliman sa LP

By Kathleen Betina Aenlle September 14, 2015 - 05:15 AM

dinky-tupasInireklamo ni Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman sa Liberal Party ang pagpunta ni Iloilo Rep. Neil Tupas Jr. sa pagpapamigay ng cash assistance sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Ani Soliman, hindi naman kailangan ang presensya ng mga mambabatas sa event ng DSWD kung saan ipinapamahagi nila ang nakalaang Emergency Shelter Assistance (ESA) para sa mga nasalanta ng bagyo kaya’t iniakyat niya na sa LP ang isyu para sana’y masabihan ang kongresista.

Nang hingan naman ng komento si Tupas ukol sa reklamo ni Soliman, sinabi nito na bagaman hindi pa niya nababasa ang mismong reklamo, ikinagulat niya ang pahayag ng kalihim dahil aniya wala naman sa lugar ang reklamo at hindi naman ito kailangang gawin.

Ang nasabing pagbatikos ni Soliman ay bunsod ng mga reklamo at sumbong na nakarating sa kaniya na naroon nga raw ang kongresista sa pamimigay ng ESA sa mga bayan sa ilalim ng ika-limang distrito ng Iloilo na siyang inirerepresenta ni Tupas.

Kabilang sa mga nasalantang lugar sa Iloilo ay ang Barotac Viejo, Ajuy, Sara, Lemery, San Rafael, Concepcion, Batad, Balasan, Carles, San Dionisio at Estancia.

Ang ESA ay ang programang pamamahagi ng pera sa mga biktima ng bagyo. Makakatanggap ang mga nawalan ng tirahan ng P30,000, samantalang P10,000 naman sa mga nasiraan lang.

Ito ay isinasagawa naman ng mga lokal na opisyal kasama ang mga municipal workers at tauhan ng DWSD, kaya ani Soliman, walang kinalaman o pakialam rito ang mga opisyal ng gobyerno na mas mataas pa sa Mayor.

Dagdag pa ni Soliman, hindi naman nila masasabihan ang mga ito na huwag pumunta pero “ethics and function-wise”, wala aniya silang dahilan para pumunta.

Ayon naman kay Tupas, kaya siya naroon ay dahil nais niyang bantayan ang pamimigay ng pondo dahil raw may nakarating sa kaniya na mga reklamo at sumbong na may anomalya at pagkukulang ang DSWD at ibang ahensya sa implementasyon ng pondo, at hindi niya kayang ipasawalang-bahala na lamang ang mga ito.

Isa rin aniya ito sa kaniyang mga tungkulin bilang mambabatas na bantayan at siguruhing makakarating ang pondo sa mga benepisyaryo nito.

Samantala, nauna nang inakusahan ni Iloilo Vice Gov. Raul Tupas ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Rep. Neil Jr. na ginagamit ang programa sa pulitika.

Matatandaang nagkaroon ng matinding iringan ang magkapatid matapos ideklara ni Rep. Neil Jr. na tatakbo ang kaniyang asawa para pumalit sa kaniyang pwesto kahit pa alam niyang tatakbo rin ang kaniyang kapatid na Vice Governor sa parehong posisyon.

TAGS: dswd, esa, rep neil tupas, sec dinky soliman, dswd, esa, rep neil tupas, sec dinky soliman

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.