Duterte sa NPA: “Ano ba talaga gusto niyo?”

 

Kasunod ng mga pagpapahiwatig niya na handa na siyang muling makipag-usap sa mga komunistang rebelde, nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte sa New People’s Army (NPA) na itigil na ang patayan.

Sa kaniyang talumpati sa MassKara Festival, tinanong ni Duterte ang mga rebelde kung gusto ba ng mga ito ng panibagong 50 taong pakikipag-bakbakan sa kanilang mga kapwa Pilipino.

Dagdag pa ng pangulo, maituturing na extrajudicial killings ang mga ginagawa ng NPA dahil sa pagpatay nito sa mga tao, maging sa mga sundalong papauwi na sa kanilang mga tahanan o kaya ay wala naman sa kampo.

Nanawagan naman si Duterte sa NPA na huwag namang idamay sa gulo ang buhay ng mga inosenteng tao.

Matatandaang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) matapos iutos ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa NPA na mas paigtingin pa ang opensiba laban sa mga pwersa ng gobyerno.

Read more...