Green lane, balak nang tuluyang alisin ng Customs

 

Nais nang tuluyang ipaalis ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña ang green lane sa shipment selectivity system.

Naniniwala kasi si Lapeña na ginagamit lang ang sistemang ito para sa smuggling ng mga kontrabando, tulad na lang ng nangyari nang maipuslit ang 604 kilo ng shabu noong Mayo.

Ayon kay Lapeña, ikinukonsidera na nilang alisin na ang green lane sa kabila ng mga reklamo ng mga brokers at truckers na posible itong magdulot ng port congestion dahil sa mas mahigpit na screening sa mga kargamento.

Matatandaang sinuspinde muna ang paggamit sa green lanes noong Agosto kasunod ng resulta ng imbestigasyon tungkol sa pagkakalusot ng 604 kilo ng shabu.

Naipasok kasi sa bansa ang nasabing kontrabando dahil naidaan ito sa green lane at hindi na sumailalim sa masinsin na inspeksyon.

Kapag kasi sa green lanes idinadaan ang mga kargamento, hindi na ito isinaisailalim sa x-ray machine scanning ng ahensya.

Dahil sa suspensyon ng sistemang ito, 80 percent ng tinatayang 5,000 na container vans na pumapasok sa bansa ang idinaan na sa red lane kung sasailalim ito sa masusing x-ray machine scanning, habang ang nalalabing 20 percent ay napunta sa yellow lane.

Mayroon pa namang super green lane kung saan naman idinadaan ang mga kargamento ng multinational companies na napanatili ang magandang transaction records sa BOC.

Paliwanag ni Lapeña, oras na magamay at maiayso na nila ang computerization system sa ahensya, pag-uusapan na nila ang posibleng pagbasura na sa green lane.

Kabilang sa mga hakbang ng BOC kaugnay nito ay ang paglalagay ng karagdagang x-ray machines, at ang pagresolba sa problema ng katiwalian sa kanilang ahensya.

Read more...