Combat operations sa Marawi City, tapos na ayon kay Lorenzana

FB PHOTO: SCOUT RANGER BOOKS

Tuluyan nang natapos ang bakbakan sa Marawi City.

Ito ang inanunsyo ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, eksaktong limang buwan mula nang magsimula ang giyera.

Dahil dito, hawak na ng pamahalaan ang Marawi, at napatay na ang lahat ng mga natitira pang teroristang Maute at Abu Sayyaf.

Ayon kay Col. Romeo Brawner Jr. ng Task Force Ranao, nagresulta ang limang buwang bakbakan sa pagkakapatay ng 920 na miyembro ng teroristang grupo.

Pero mayroon pa ring ilang bangkay na humigit-kumulang 50 ang bilang ang patuloy pa ring nire-recover at pino-proseso ng SOCO.

Samantala, aabot naman sa 165 na pulis at sundalo ang nalagas sa panig ng gubyerno, kabilang na dito ang dalawa na kahapon lamang narecover.

Ang dalawang bangkay, ayon kay Brawner ay sunog ang katawan ng isa, habang ang isa naman ay pinugutan ng ulo.

Sa kabuuan, aabot naman sa 1,780 ang bilang ng mga hostage na na-rescue ng pamahalaan, at 864 na armas rin ang nakuha ng militar.

 

 

 

 

 

Read more...