“Terrorism is everywhere.”
Ito ang maingat na paalala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko ilang araw matapos niyang ideklarang malaya na ang Marawi City mula sa mga terorista.
Sa kaniyang talumpati sa ika-38 na Masskara festival sa Bacolod City, nilinaw niyang hindi niya layong takutin ang mga tao sa kaniyang paalala.
Gayunman, nais niyang maghanda ang publiko sa anumang posibleng mangyari dahil hindi naman tumitigil ang pagdating ng problema sa mundo at nasa paligid lang ang terorismo lalo na’t katatapos lang ng kaguluhan sa Marawi.
“But in the coming days, with the siege that happened in Marawi, I’m not trying to scare you, but let’s just be prepared for any eventuality. Terrorism is everywhere,” ani Duterte.
Ayon sa pangulo, walang bansang basta nakakalusot sa kalupitan ng ISIS.
Ang ideolohiya kasi aniya ng ISIS ay ang pumatay ng mga tao at manira ng mga lugar o kung anupaman.
Matatandaang kamakailan lang ay opisyal nang idineklara ng pangulo ang pagiging malaya ng Marawi sa terorismo, at unti-unti na ring nagsisi-uwian ang mga sundalong nakipagbakbakan sa mga terorista.