‘Alternative truth’ ni Pangulong Aquino sa Mamasapano incident, isang kalokohan -Atty. Aguirre

By Isa Avendaño-Umali September 13, 2015 - 04:55 PM

 

Inquirer file photo

Pumalag ang kampo ni dating Special Action Force o SAF Chief Director Getulio Napeñas ukol sa pinalulutang ni Pangulong Noynoy Aquino III na ‘alternative truth’ sa Mamasapano Encounter.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, tahasang sinabi ni Atty. Vitaliano Aguirre na ‘kahindik-hindik at hindi kapani-paniwala’ ang bagong anggulo ni Pangulong Aquino at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Giit pa ng abogado na kalokohan ang ‘alternative truth’ na pinalalabas ni PNoy dahil dapat aniya ay ‘only one truth’ lamang at ito ang mga naunang sinabi ni dating SAF Director General Getulio Napeñas.

Ayon kay Aguirre, palaisipan sa kanila kung ano ang pinanggalingan ng statement ng Pangulo at kung bakit ngayon lamang ito inilabas gayung walong buwan na ang nakalilipas mula nang maganap ang madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nasawi ang apatnapu’t apat na commandos ng SAF.

Buwelta pa ni Aguirre, “ang ginagawa nila kasama ang Malakanyang ay pagsalaula sa sakripisyo ng SAF.”

May hinala  naman si Aguirre na ang napakalaking reward money ang isa sa mga rason kung bakit lumulutang ang mga panibagong anggulo.

May hinala rin ang abugado na nais lamang sagipin ni Pangulong Aquino ang kanyang sarili sa isyu ng Mamasapano dahil palaisipan pa rin sa publiko kung sino ang pumigil sa militar na magbigay ng artillery support sa mga napapalabang SAF troopers.

Tiyak din aniya na gustong-gusto ng MILF na suportahan ang alternative truth na sinasabi ni Presidente Aquino, dahil paborable ito sa rebeldeng grupo.

Sa kabila nito, siniguro ni Aguirre na bukas si Napeñas sa planong magsagawa muli ng imbestigasyon kaugnay sa Mamasapano Incident at mga bagong isyu rito.

Sa paraang ito aniya ay malalaman ang kabuuang storya, at kung totoo bang may utos ang Malakanyang sa military na huwag tulungan ang SAF troopers noong kasagsagan ng bakbakan.

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.