Hihimukin ni Caloocan City Rep. Edgar Erice si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na mapagbotohan na sa Kamara ang kontrobersyal na Anti-Political Dynasty Bill.
Ito’y kasunod ng pahayag ni Belmonte na maituturing nang ‘patay’ ang panukala, dahil hindi ito napasama sa priority measures na inilatag noong nakalipas na leadership meeting ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, inamin ni Erice na bilang isa sa mga proponent ng Anti-Political Dynasty Bill, nalulungkot siya dahil patay na ang pagturing sa kanyang panukala.
Gayunman, gagawa pa rin aniya siya ng paraan para mapagbotohan sa ikalawang pagbasa ang House Bill, na aabot na sa tatlumpung taong nakabinbin sa Kongreso.
Katwiran pa ni Erice, sayang kung hindi maisasalang sa botohan ang panukala, nang dahil lamang sa hindi ito prayoridad.
Giit ng Kongresista, talo na kung talo, basta ang mahalaga ay mapagbotohan ang Anti-Political Dynasty Bill.
“Ako’y nalulungkot. Pero sabi ko nga, I will still talk to Speaker Belmonte dahil ang aking pakiwari, after 28 years, ngayon lang ito naisalang sa plenaryo. Sayang kung hindi pagbobotahan. Kung talo, eh di talo, pero ang mahalaga mapagbotohan sa plenaryo,” ani Erice.
Natapos na ang debate sa Anti-Political Dynasty Bill, at naghihintay na lamang ng period of amendments at 2nd reading voting sa Kamara.