Immigration Officials, todo tanggi sa pangingikil kay Wang Bo

June 09, 2015 - 08:13 AM

mison-Mangotara-repizo-660x495
Larawan mula sa Inquirer.net

Mariing pinabulaanan ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang napaulat na pangingikil ng kawanihan sa Chinese Crime Lord na si Wang Bo.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountablity, iginiit ni Immigration Commissioner Siegfred Mison na walang political party o sinumang kongresista ang sangkot sa kaso ni Wang Bo.

Itinanggi din ng mga opisyal ng BI ang balitang may perang napunta sa Liberal Party na ginamit para suhulan ang mga mambabatas upang paboran ang panukalang Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region o BLBAR.

Ayon kay Mison, ang deportation case ni Wang Bo ay dumaan sa normal na proseso sa Immigration, taliwas sa ulat na pinalaya ito kapalit ang malaking halaga ng pera.

Sa panig naman ni Assistant Commissioner Abdullah Mangotara, ang ulat ay isa lamang propaganda para siraan ang puri ng Liberal Party at Mababang Kapulungan..

Kailanman daw ay hindi siya nakipagpulong sa sinumang miyembro ng Kamara, kahit sa mga opisyal ng Partido Liberal, at hindi rin sila tumanggap ng pera.

Pumalag din si Assistant Commissioner Gilberto Repizo sa alegasyon at sinabi pang “kuryente” ang ulat.

Dismayado si Repizo na matapos ang proseso sa kaso ni Wang Bo, lumabas na sa isang pahayagan na tumanggap daw sila ng pera, at ibinigay pa raw kay Governor Alfonso Umali na treasurer ng LP.

Hinamon naman ni Repizo ang opisyal ng Immigration na nag-leak daw ng impormasyon sa media na lumantad.

Hiniling din nito sa Komite na ipatawag ang mga mamamahayag na sina Christine Herrera at Maricel Cruz na sumulat ng artikulo, para tukuyin ang sinasabing ‘source’ nito.

Ang imbestigasyon ng Kamara sa Wang Bo bribery issue ay alinsunod sa resolusyon ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr, na nauna nang umalma sa pagkakadawit ng mga Kongresista sa aniya’y malisyosong alegasyon./ Isa Avendano-Umali

TAGS: BBL, bribery, Wang bo, BBL, bribery, Wang bo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.