Isang sinkhole na tinayatayang nasa isang talampakan ang lalim ang nadiskubre sa kahabaan ng Southbound lane ng EDSA-Connecticut.
Umaga ng Sabado nang magsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority sa naturang lugar at dito ipinakita ang ‘potential hazard’ na maidudulot nito.
Ayon kay MMDA Operations Supervisor Bong Nebrija, Huwebes nang iulat sa kanila ng personnel ng Highway Patrol Group ang uka sa outer lane ng SB sa EDSA-Connecticut na kinalaunan naman ay kinumpirmang sink hole ng Department of Public Works and Highways.
Kaugnay nito, nilapatan na ng aspalto ang sinkhole pero hindi ito naging epektibo dahil lumubog din ito.
Pangamba ng MMDA, baka mas malalim at mas malawak pa ang sink hole.
Kaya naman, sasamantalahin na ang pagsasaayos sa naturang daanan sa Sabado at Linggo para hindi na ito umabot pa sa working week kung saan mas marmaing motorista ang maaring mabiktima.