Duterte sa oposisyon: “Kayo ang may ambisyon, hindi ako”
Muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ispekulasyon ng mga kritiko na may plano siyang palawigin ang kanyang termino.
Sa isang talumpati sa Cagayan de Oro, sinabi ng pangulo na hindi lamang matanggap ng mga kritiko partikular ng mga dilaw ang pagkatalo at patuloy siyang iniintriga ng mga ito.
Anya, “baliw” ang mga ito sa mga kung anu-anong mga paghihinala na gusto niyang maupo nang mas matagal sa pwesto.
Kung nagagawa anya ng mga kaaway ang mga ganitong pag-iimbento, patunay lamang anya ito na sila ang may ambisyon at hindi siya.
Iginiit ni Duterte na manunungkulan lamang siya hanggang sa huling araw ng kanyang termino.
Sa 22 taong paninilbihan niya sa Davao bilang alkalde, hindi anya siya lumalampas sa posisyon kahit isang araw man lang.
Nilinaw din ng pangulo ang pahayag ukol sa pagdedeklara ng Martial Law.
Anya, idedeklara lamang niya ito kapag natagilid ang bayan dahil sa terorismo, rebelyon at pangggugulo ng mga kaaway.
Hinamon ni Duterte ang mga kritiko na patalsikin siya sa pwesto kung kaya ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.