Mga OFW, hinikayat na mag-invest sa Overseas Filipino Bank

Hinikayat ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga Pilipinong mangagawa sa labas ng bansa na mag-invest sa Overseas Filipino Bank.

Mas pagagaanin daw kasi ng naturang bangko ang pinansiyal na pasanin ng mga OFW dahil sa mas mababa ang remittance service rate at mas malaki ang kanilang kikitain sa kanilang pamumuhunan.

Sa pamamagitan ng Executive order no.44 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong linggo, kukunin ng Land Bank of the Philippines ang Philippine Postal Savings Bank (PPSB) at gagawin itong Overseas Filipino Bank.

Bibigyan namang prayoridad ng banko ang pinansiyal na pangangailangan ng mga overseas Filipino workers, na makakatulong sa bansa sa foreign exchange income, currency stability, empleo, at kabuuang pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittance.

Sinabi rin ni Bello na magtatayo ng sangay ng OFB sa lahat ng Philippine Overseas Labor Offices para mas maraming overseas Filipino ang mabigyan ng foreign remittance service.

Ang OFB ay pangangasiwaan ng board of directors na pamumunuan ng LBP President bilang chairman, LBP-designated President bilang vice chairperson, apat na LBP-designated director o officer bilang miyembro, at miyembro na kakatawan sa DOLE, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at miyembro mula sa pribadong sektor na kakatawan sa overseas Filipinos.

Read more...