UP: Masikip na trapiko, asahan ngayong UPCAT weekend
Dahil sa dami ng mga inaasahang kukuha ng University of the Philippines College Admission Test (UPCAT), nagbabala ang pamunuan ng unibersidad sa posibleng pagsikip ng daloy ng trapiko sa loob at palibot ng paaralan ngayong weekend.
Ngayong araw, October 21 hanggang bukas, October 22 kasi ang nakatakdang mga petsa para sa UPCAT, kung saan nasa 60,000 ang inaasahang pupunta at kukuha ng pagsusulit sa UP Diliman.
Ayon kay UPD Vice Chancellor for Community Affairs Dr. Nestro Castro, asahan na ang pagsikip ng daloy ng trapiko pagsapit pa lang ng alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-2:00 ng hapon sa loob ng campus at sa paligid nito.
Naglabas na rin sila ng memorandum tungkol sa mga batas trapikong ipatutupad sa kasagsagan ng UPCAT. Ito ay ang mga sumusunod:
– Suspendido muna ang “No UP Sticker/UP ID, No Entry Policy”
– Magpapatupad ng one-way scheme sa Academic Oval, T.M. Kalaw, Quirino, Roxas Avenue at Osmeña Avenue;
– Two-way scheme naman ang ipatutupad sa Velasquez Street, Regidor Street, Roces Avenue at Magsaysay Avenue;
– Ipagbabawal ang “parking and waiting” sa Academic Oval, Magsaysay, Regidor at Quirino Avenues;
– Pansamantala namang papayagan ang pagpasok ng mga sasakyan sa Academic Oval bukas, October 22;
– Pansamantalang isasara ang joggers at bikers lane para magbigay daan sa mga sasakyan;
– Pansamantalang one-way scheme muna ang ipatutupad sa kalsada sa pagitan ng College of Science at ng Marine Science Institute patungo sa Science Complex;
– Maaring dumaan ang mga sasakyang palabas ng Science Complex sa mga gates ng Shuster at Math Building.
Bukod naman sa UP Diliman, magkakaroon rin ng UPCAT sa iba’t iba pang campuses nila sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.