Bagaman hindi niya direktang kinumpirma, walang nakikitang masama si Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa pagkakatalaga ni Badoy sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Ayon kay Abella, wala pa silang mga pormal na dokumentong natatanggap tungkol sa bagay na ito, tulad ng appointment papers.
Gayunman, mismong si Communications Sec. Martin Andanar ang nagkumpirma na inalok nga nila si Badoy ng posisyon bilang spokesperson sa PCOO.
Nang linawin naman kay Abella kung para kanino magsisilbing spokesperson si Badoy kung sakali, sinabi niyang ito’y magiging para kay Andanar.
Naniniwala naman si Abella na magiging maganda kung magkakaroon ng sariling tagapagsalita si Andanar, dahil wala naman siyang nakikitang mali kung gusto talaga itong gawin ng kalihim.
Kinumpirma din ito ng officer in charge ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Emmanuel Leyco.
Aniya inaasahang tatagal na lang ng hanggang katapusan ng buwan ang pag-turn over ni Badoy sa kaniyang mga responsibilidad sa papalit sa kaniya sa DSWD matapos maappoint sa PCOO.