Negosyo at hindi kapayapaan ang pangunahing pakay sa pagsusulong ng BBL ayon sa isang paring Katoliko

Inquirer file photo

Hindi umano para sa kapayapaan kundi para sa negosyo ang nangingibabaw na interes ang nasa likod ng kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law o BBL.

Ito ang sinabi sa Radyo Inquirer ni Father Ben Alforque, ang Chairman ng Promotion of People’s Church Response, isang religious peace advocate group sa Mindanao bilang reaksiyon sa atubiling pananaw ng mga katutubo hinggil sa BBL.

Ayon kay Fr. Ben, malinaw pa sa sikat ng araw na ang layunin lamang ng BB ay para i-take-over ng mga negosyante ang mga lugar sa Mindanao na mayaman sa natural resources para pagkakitaan.

Para aniya sa mga katutubo partikular sa mga lumad, “deceptive” o mapanlinlanang ang naisin ng gobyerno na magtatag ng Bangsamoro Government, hindi para ipagkaloob ang nararapat sa kanila para kundi kunin ang kayamanan na meron sila.

Isa rin umano ito sa taktika ng pamahalaan para pagtakpan ang kanilang mga pagkukulang sa mga katutubo, ang magpatupad ng mga programang ikauunlad ng kanilang pangkabuhayan.

Samantala, may tatlong mabibigat na kadahilanan ang mga katutubo sa Mindanao, partikular ang mga lumad kung bakit tinututulan nila ang ipinipilit na pagtatatag ng Bangsamoro government.

Ayon kay Fr. Ben Alforque, una, ay ang posibilidad ng pandarambong.

Naniniwala kasi aniya ang mga katutubo na nais lamang pagsamantalahan ng mga negosyante ang likas na yaman sa maraming bahagi ng Mindanao kayat isinusulong ng mga ito ang BBL.

Ikalawa, kapabayaan ng gobyerno.

Alam umano ng mga katutubo na may malaking pondo na nakalaan sa kanila pero hindi ito ginagamit ng gobyerno dahilan para lalo pang maghirap ang mamamayan sa mindanao.

Ikatlo, local warlordism.

Ginagamit aniya ng gobyerno ang kanilang kapangyarihan para sikilin ang mga karapatan ng mga katutubo at pag-awayin ang mga magkakapamilya para magkawatak-watak at kalaunan ang lisanin ang kanilang lugar.

Nagtataka rin aniya ang mga katutubo kung bakit nanghihimasok ang bansang Malaysia bilang third party negotiator sa usapin ng peace talks sa Mindanao.

Maging ang Amerika ay lantaran din aniyang nakikiaalam sa usaping panloob ng bansa, kayat hindi nila maiwasan na pagdudahan ang tunay na layunin ng BBL.

 

Read more...