2 crew sa pelikula ni Tom Cruise, patay sa plane crash
Dalawang crew ng isang pelikulang pinagbibidahan ng aktor na si Tom Cruise ang namatay makaraang bumagsak ang kanilang kinalululanang eroplano sa bansang Colombia.
Ayon sa Universal Pictures, katatapos lamang ng production team na mag-shooting ng pelikulang “Mena” na pinagbibidahan ng aktor nang maganap ang aksidente.
Kinilala ang mga nasawi na sina Alan Purwin, founder ng kumpanyang Heli-net na may-ari ng bumagsak na eroplano at Carlos Berl na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.
Malubhang nasugatan naman ang piloto ng eroplano na nakilalang si Jimmy Lee Garland na ginagamot sa isang opsital sa bayan ng Medellin.
Bumagsak ang twin engine aircraft malapit sa bulubunduking bahagi ng bayan ng San Pedro de los Milagros sa Antioquia.
Nabatid na dumating si Cruise sa Colombia noong August 20 upang mag-taping ng ilang mga eksena sa naturang pelikula.
Ang “Mena” ay pelikula ni Tom Cruise na hango sa buhay ng Amerikanong piloto na si Barry Seal na nagtrabaho noon sa drug kingpin na si Pablo Escobar.
Si Escobar ay napatay sa isang drug operation noong 1993 sa bayan ng Medellin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.