Jeepney modernization program ng pamahalaan, isinalang na sa pagdinig ng Kamara
Sinimulan na ng House Committee on Transportation ang imbestigasyon sa Jeepney Modernization Program ng pamahalaan na pinag-ugatan ng dalawang araw na transport strike ng grupong PISTON.
Ayon sa pinuno ng komite na si Rep. Cesar Sarmiento, ipinatawag niya ang pagdinig upang magkaroon ng paliwanagan ang mga stakeholder ng jeepney modernization.
Sinabi ni Sarmiento na wala namang problemang ayusin at baguhin ang transport system basta’t ikonsidera lamang ang kapakanan ng mga operator at commuter.
Kabilang sa mga inimbitahan ng komite para sa house inquiry ang mga lider ng PISTON, PASANG MASDA, FEJODAP AT ng L-TOP.
Kasama rin sa ipinatawag ang mga opisyal ng Department of Tranportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at maging ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Nauna rito, inihain noon ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang isang resolusyon upang maimbestigahan ang nasabing programa ng pamahalaan.
Hindi katanggap-tanggap para kay Zarate ang magiging programa dahil nasa P27 billion ay mapupunta sa mga malalaking kumpanya ng sasakyan na gagawa ng 200,000 sasakyan para sa modernisayon.
Sa halip anya na bigyan ng subsidiya ng pamahalaan ang mga tsuper at operator ang nais ng gobyerno ay pakitaan ang mga dambuhalang car manufacturer.
Habang isinasagawa naman ang pagdinig, ang mga miyembro ng PISTON ay nagsasagawa ng protesta sa labas ng Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.