Isinailalim na sa state of calamity ang Zamboanga City dahil sa matinding pagbaha na naranasan sa lungsod nitong mga nagdaang araw dulot ng inter-tropical convergence zone at Typhoon Paolo.
Inirekomenda ng City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) sa pamumuno ni Mayor Beng Climaco sa Sangguniang Panglungsod ang pagpasa ng resolusyon para sa deklarasyon ng state of calamity dahil sa matinding pinsala na natamo ng lungsod lalo na sa agricultura at imprastraktura.
Sa ulat ng City Social Welfare and Development Office dahil sa matinding pagbaha at storm surge nasa 3,666 na pamilya na o 18,330 na indibidwal ang naapektuhan mula sa 17 coastal barangays.
Pito ang naitalang nasawi, 158 na mga bahay ang nawasak at 327 na iba pa ang nagtamo ng sira.
Sa sektor ng agrikultura, sinabi ni City Agriculturist Diosdado Palacat na 1,150 na mga magsasaka ang apektado makaraang masira ang 310 na ektarya ng tanim na palay, 477 na ektarya ng pananim na mais at 144 na ektarya ng pananim na gulay.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa P45.970 million ang halaga ng pinsala ng pagbaha sa agrikultura.