Mga abogadong sangkot sa pagkamatay ni Horacio Castillo III, pinatatanggalan ng lisensya
Emosyunal na nanawagan ang ina ng freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III na ma-disbar ang mga kabilang sa nagsagawa ng initiation rites sa kanilang anak na nauwi sa kamatayan.
Sa isang panayam, sinabi ni Carmina Castillo na lahat ng sangkot sa pagkamatay ng kanyang anak ay walang karapatan na maging abogado.
Nakakahiya aniya sila at hindi sila karapat-dapat na tawaging mga abogado.
Iginiit pa ni Carmina na dapat tanggalan ng lisensya ang mga ito.
Nabunyag sa isinagawang pagdinig sa Senado na bumuo ng isang group chat ang tatlumpung miyembro ng Aegis Juris Fraternity, at doon umano nila pinagplanuhan kung paano ang gagawin cover-up sa pagkamatay ni Atio.
Napag-usapan din sa nasabing group chat na ipapaalam nila sa pamilya Castillo ang nangyari kay Atio para hindi na mag-ingay ang mga ito.
Labing siyam sa tatlumpung miyembro ng Aegis Juris na kabilang sa group chat ang humarap sa pagdinig ng Senado kahapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.