500 bangka na para sana sa mga biktima ng Yolanda, nabubulok lang sa imbakan

 

Inquirer file photo

Nasa 500 mga bangkang pangisda na para sana sa mga mangingisdang nawalan ng kabuhayan dahil sa Supertyphoon Yolanda noong 2013 ang hindi pa rin napapakinabangan sa ngayon.

Ito ay dahil sa hindi pa rin naipamimigay ang mga nasabing mga bangka at patuloy na nakaimbak lamang sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources sa Bgy. Candahug, sa bayan ng Palo, Leyte.

Ayon kay Ranulfo Arbiol, provincial environment and natural resource officer, ibinigay ang nasabing mga bangka ng DMCI matapos mabiktima ang ang mga residente ng Leyte at mga karatig-probinsya ng ‘Yolanda’ na tumama sa rehiyon noong November 8, 2013.

Hiniling aniya ito ni DENR Secretary Ramon Paje sa nasabing kumpanya na may planta ng plywood at kahoy sa Zamboanga City para sa ibigay sa mga mangingisda at natapos ang nasabing proyekto nitong buwan ng Hulyo.

Gayunman, 3 buwan matapos makumpleto ang mga bangka, hindi pa rin ito naibibigay sa mga benepisyaryo kaya’t karamihan sa mga ito ay nasisira na.

Dagdag pa ni Arbiol, ang DILG ang nakatakdang magbuo ng listahan kung sinu-sino ang tatanggap ng nasabing mga bangka samantalang sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources naman manggagaling ang listahan ng mga mangingisdang naapektuhan ng bagyong Yolanda.

 

Read more...