Marwan, napatay umano ng aide nito at hindi ng SAF
Napatay umano ang teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan hindi ng mga miyembro ng Special Action Force, kung hindi ng kanya mismong aide.
Ito umano ang nilalaman ng report na nabuo ng Moro Islamic Liberation Front batay sa kanilang imbestigasyon at obserbasyon sa mga pangyayari noong January 25 nang sugurin ng SAF ang kuta ni Marwan na ikinamatay ng 44 na SAF commandos.
Una nang binanggit ni Pangulong Noynoy Aquino III na may iniimbestigahan silang ‘alternative truth’ sa Mamasapano clash.
Gayunman, giit ni Mohagher Iqbal, pinuno ng peace negotiating panel ng MILF na walang ‘alternative truth’ at ang tunay na katototohanan ay napapaloob sa kanilang nabuong report sa insidente.
Ayon naman sa isang source, kasama aniya sa kanilang report ang obserbasyon na binaril si Marwan sa likod ng ulo nito na posibleng isinakatuparan habang nakahiga ang terorista.
Gayunman, iginiit ni Iqbal na hindi na nila sinundan ang imbestigasyon dahil trabaho na ito ng PNP.
Ayon pa sa source, drama na lamang ang pagsugod ng SAF sa pinagtataguan ni Marwan dahil patay na ito nang sugurin ang kuta ng terorista.
Paliwanag pa ng source, ang nakasagupa ng 84th Seaborne ng SAF ay ang grupo ng mga bodyguard ng isa pang terorista na si Basit Usman at hindi ang grupo ni Marwan.
Ayon naman sa mga MILF investigators, malaki ang posibilidad na hindi nanggaling sa labas ng kubo ni Marwan ang bala na pumatay sa kanya dahil sa trajectory ng mga butas ng mga bala na nakita sa loob ng kubo nito.
Matatandaang sa Meet the Inquirer multimedia forum, inihayag ni Pangulong Aquino na may isang maituturing na ‘alternative truth’ na lumutang kaugnay pa rin sa Mamasapano Incident at ito ang kanila muling nireresolba./ Jay Dones
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.