Aegis Juris members Arvin Balag, OJ Onofre, Axel Hipe at Mark Ventura, nadatnan ni John Paul Solano sa frat library

Kuha ni Ruel Perez

Apat na miyembro ng Aegis Juris fraternity ang dinatnan ni John Paul Solano sa frat library noong umaga nang September 17, 2017 kung saan niya nakita ang wala nang malay na si Horacio Castillo III.

Sa bahagi ng testimonya ni Solano sa executive session sa senado na isinapubliko sa isinagawang pagdinig, binaggit ni Solano na alas 6:30 nang umaga nang unang tumawag sa kaniya si Oliver John “OJ” Onofre at sinabihan siyang magpunta sa frat library dahil may emergency.

Ayon kay Solano, sinabi niyang hindi siya pwedeng pumunta dahil tuwing Sabado at Linggo, siya ay nasa clinic ng kaniyang ama para tumulong.

Pero muli umanong may tumawag sa kaniya at sinabihan siyang mayroon nang nag-collapse.

Alas 7:30 na noon ng umaga nang magpasya siyang pumunta na sa frat library dahil mayroon nang “sense of urgency”.

Kuha ni Ruel Perez

Nang siya ay dumating sa frat library sinabi ni Solano na sina Onofre, Axel Hipe, ang presidente ng Aegis Juris na si Arvin Balag at si Mark Ventura ang kaniyang mga nadatnan doon habang hindi naman niya nakita doon si Ralph Trangia pero sasakyan nito ang ginamit nang dalhin sa ospital si Atio.

Matapos siyang mag-perform ng CPR kay Atio na noon ay inilarawan na ni Solano na “half-dead” nang kaniyang datnan ay sinabihan na niya ang mga ka-brad na dapat na itong dalhin sa ospital.

Si Balag umano ang nagpasya na sa Chinese General Hospital dalhin si Atio sa halip na sa UST hospital na mas malapit sana.

Si Balag din ang nag-utos kay Solano na siya ang magbaba kay Atio sa Emergency Room, at si Balag din ang nagturo sa kaniyang sabihin na napulot niya ito sa Balut, Tondo.

Nang tanungin niya si Balag kung bakti siya ang magbababa kay Atio, sumagot pa aniya si Balag ng “alangan namang kami?”

Dahil taranta at hindi na alam ang gagawin, sinunod na lang ni Solano ang utos ng mga ka-brad, pero bilang patunay na wala umano siyang itinatago ay ibinigay niya ang totoo niyang detalye, gaya ng buo niyang pangalan sa mga staff ng ospital.

Kwento ni Solano, ni-hindi man lang tumulong sina Balag at iba pang Aegis Juris members sa pagbaba kay Atio sa sasakyan, at tanging siya, si Romeo Laboga na driver ni Trangia, at mga staff ng ospital ang nagbaba sa biktima.

Masamang-masama umano noon ang loob niya dahil wala naman siyang kinalaman sa insidente, pero iniwan siya ng mga ka-brad sa ospital.

Kinuwento din ni Solano sa nasabing salaysay na nagpasya siyang umalis ng bahay sa takot sa kaniyang tatay, nagtago at dumating sa punto na natutulog na siya sa kalsada, waiting sheds at sa labas ng UST para lang huwag siyang mahuli.

Hanggang sa nagdesisyon na siyang tawagan ang kaniyang ama at sabihin dito na gusto na niyang sumuko.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...