Hinuli ng mga barangay tanod sa Barangay East Kamias sa lungsod Quezon ang isang lalaki matapos mahuli sa aktong nagva-vandalize sa mga pangharang ng Manila Water.
Kinilala ang nahuli bilang si Ian Palba, 30-anyos at residente ng Caloocan.
Kwento ng team leader ng East Kamias BPSO na si Rico Bautista, binabantayan niya ang kanilang monitor sa mga CCTV sa barangay nang makita niya ang isang lalaki na nagva-vandalize ng pangharang ng Manila Water sa panulukan ng K-9th at K-J.
Kaagad niyang tinawag ang mga kasamang tanod at bumuo ng dalawang grupo para hulihin ang lalaki.
Hindi naman nanlaban pa si Palba at mapayapa itong sumama sa mga tanod.
Aminado si Palba na naka-inom siya at batid rin nito na bawal ang bandalismo.
Pansamantala munang mananalagi si Palba sa Barangay Hall ng East Kamias dahil hiniling nito na makausap ang contractor ng Manila Water para pakiusapan na hindi na siya sampahan ng kaso.