Duterte, iginiit na walang balak manatili sa puwesto

 

Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang banta niyang pagdedeklara ng rebolusyunaryong pamahalaan ay hindi para mapatagal siya sa pwesto.

Taliwas pa nga ito sa katotohanan dahil ayon kay Duterte, kung maaari lamang ay nais na niyang umalis sa pwesto.

Wala aniya siyang balak na patagalin ang sarili niya sa kaniyang posisyon, at wala rin siyang planong ipahiya ang kaniyang pamilya para sa anumang ambisyon.

“I do not intend to perpetuate myself. I will not shame my family for any ambition in this world,” ani Duterte.

Matatandaang maraming bumatikos sa naging banta ng pangulo kamakailan na magtatayo siya ng revolutionary government, dahil ayon sa mga kritiko, magbibigay-daan lang ito sa panibagong diktadurya.

Giit ni Duterte, hindi na siya masaya sa kaniyang pwesto ngunit hindi lang siya makaatras dahil nakakahiya naman kung gagawin niya ito.

Dagdag pa ng pangulo, nahihirapan na siya sa dami ng trabaho lalo’t 72 taong gulang na siya at may mga sakit nang iniinda.

Read more...