Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya matitinag ng mga banta na magsasama-sama ng pwersa ang ilang mga negosyante at kanyang mga kritiko para ibagsak ang kanyang administrasyon.
Ayon sa pangulo, wala siyang karapatan na magtagal sa Malacañang kung hindi rin naman niya ipatutupad ang mga batas.
Partikular na tinukloy ng pangulo ang mga akusasyon na mayroon siyang malaking bank accounts na itinatago.
“Hinahamon ko ang AFP at PNP na imbestigahan ang mga bank accounts ko pag meron silang nakita na itinatago ko magbibitiw ako”, ayon kay Duterte.
Noong panahon ng kampanya, sinabi ng pangulo na ilang beses na humingi ng oras ang negosyanteng si Lucio Tan na personal pa umanong nagpunta sa Davao City.
“Dahil alam ko na darating ang araw na kakanalin ko siya kaya hindi ko siya kinausap at wala akong tinanggap na donasyon mula sa kanya”, dagdag pa ni Duterte.
Muli ring sinabi ng pangulo na sanay siya sa simpleng pamumuhay kaya walang dahilan para magnakaw siya ng pondo ng pamahalaan.
Halos tatlong dekada na umano siyang nakatira sa kanilang bahay sa Davao City at hindi naman marangya ang kanilang pamumuhay doon.
Mula nang siya maupo bilang pangulo ay sinabi ni Duterte na hindi siya tumatanggap ng allowance at ang kanyang buwanang sweldo lamang ang inaasahan ng kanyang dalawang pamilya.
Ang pangulo ay nasa Pili, Camarines Sur kaugnay sa federalism caravan.