“Ladies and gentlemen, I hereby declare Marawi City liberated from terrorists”.
Ang pahayag na ito ng pangulo ay sinalubong ng palakpakan mula sa mga tauhan ng militar, mga lokal na opisyal at ilang residente ng Marawi City ilang minuto nang siya’y dumating sa nasabing lungsod.
Habang ina-anunsyo ng pangulo ang magandang balita ay dinig pa rin sa paligid ng Marawi City ang manaka-nakang pagputok ng mga baril.
Ito na ang ika-anim na pagkakataon na nagpunta sa Marawi City ang pangulo habang nagaganap ang kaguluhan sa lugar.
Sa loob ng halos ay limang buwan, sinakop ng mga teroristang miyembro ng Maute at Abu Sayyaf Group ang malaking bahagi ng lungsod.
Kahapon ng madaling-araw sa pamamagitan ng isang operasyon ng mga tauhan ng Scout Rangers ng Philippine Army ay napatay ang mga kinikilalang lider ng nasabing mga grupo na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hinihintay na lamang ng pamahalaan ang resulta ng DNA test sa mga labi nina Hapilon at Maute.
Tumanggi naman ang opisyal na sabihin kung saan inilibing ang mga labi ng mga lider terorista dahil na rin sa isyung pangseguridad.
Si Hapilon ay may patong sa kanyang ulo na $5 Million at kabilang sa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation o FBI.
Si Maute naman tulad ng kanyang mga kapatid ay may patong na P10 Million dahil sa iba’t ibang mga kaso ng pagpatay at terorismo.
Bagaman sinabi ng pangulo na malaya na ang Marawi City sa kamay ng mga terorista, hindi naman niya inihayag na aalisin na ang ipinatutupad na martial law sa buong Mindanao region.