Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia, umaasa silang mananaig ngayon ang professionalism sa pagpapatupad ng PDEA sa Comprehensive Dangeroud Drugs Act, at na gagawin ito nang may mahigpit na pagsunod sa batas.
Matatandaang inalis na ni Pangulong Duterte sa frontline ng drug war ang Philippine National Police (PNP) at ibinalik na niya ang anti-drugs operations sa PDEA.
Ani De Guia, ito ay isang indikasyon na handa ang administrasyon na makinig sa isinisigaw ng publiko kaugnay ng pagsunod sa due process sa kampanya nito laban sa iligal na droga.
Umaasa rin sila na mas magkakaroon ng pakikipagtulungan sa pagitan ng PDEA at ng CHR upang makabuo ng stratehiyang mas may respeto sa buhay at dignidad ng tao.
Naniniwala rin ang CHR na dahil dito, mas mapatutuunan ng pansin ng PNP ang pagresolba sa mga ordinaryong krimen, pati na ang vigilante killings at ang mga sinasabing extrajudicial killings sa kanilang mga operasyon.