Ikalawang araw ng transport strike ng Piston minaliit ng LTFRB
Hindi dapat suspindehin ang klase sa lahat ng antas at ang pasok ng gobyerno sa ikalawang araw ng nationwide transport strike bukas.
Ito ang iminungkahi ng Land Transportation Franchising and Regulatory board sa Malacañang, batay sa kanilang pagsusuri sa tigil-pasada ng grupong Piston.
Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, dakong tanghali ay 23 lamang ng 74 na trak at bus na ipinakalat ng LTFRB ang nagamit.
Katumbas ito ng 1,140 pasahero ng 10 milyong pasahero ng jeep na inaasahan.
Sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa buong bansa ngayong araw dahil sa malawakang tigil-pasada ng transport groups bilang pagtutol sa jeepney modernization program.
Samantala, base sa kanilang ulat ay sinabi ng grupong Piston na naging matagumpay ang unang araw ng kanilang tigil-pasada.
Halos umabot umano sa 100-porsiento ang pagkaparalisa ng pasada ng mga jeepney sa kanilang mga baluwarte sa Camanava, ilang mga lugar sa Makati, Maynila, Paranaque at Maynila.
Sa mga lalawigan ay nagkaroon rin umano ng pangha-harass sa kanilang hanay pero naging matagumpay parin ang kanilang isinagawang strike.
Sinabi ni Piston President George San Mateo na base sa ipinakitang suporta ng iba’t ibang mga progresibong grupo ay kaya pa nilang maglunsad ng isang kahalintulad na transport strike bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.