Pinuri ng Malacañang ang Armed Forces of the Philippines dahil sa matagumpay na operasyon kaninang umaga kung saan napatay na ang tinaguriang Emir ng ISIS sa Southeast Asia na si Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, patunay ito na nagtagumpay ang pamahalaan laban sa terorismo.
Ayon kay Andnar, ngayong napatay na ang mga lider ng terorista na umatake sa Marawi City ay umaasa ngayon ang gobyerno na makababangon na ang lungsod mula sa pagkakasadlak nito sa giyera.
Binigyang-diin din ni Andanar na ang pagkakapatay sa dalawa ay tagumpay ng administrasyon na maisulong ang kapayapaan sa Mindanao.
Malinaw aniya na naipakita ng pangulo ang kanyang pagnanais na mabigyan ng maginhawang buhay ang bawat Pinoy.
Matatandaang anim na beses nang binisita ng pangulo ang mga sundalo na nakikipagghiyera sa mga terorista sa Marawi City.