Ayon kasi sa report ng komite na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, parang hindi justice secretary si Aguirre sa kaniyang pagharap sa nasabing kaso noong kasagsagan ng pagdinig ng Senado tungkol dito.
Nakasaad pa dito na nakalulungkot dahil sa pagdalo ni Aguirre sa pagdinig noong September 19, mistulang sinukuan na nito ang naturang kaso.
Pero mariing itinanggi ni Aguirre ang mga akusasyon at iginiit na pawang obserbasyon lang ang mga ito na walang basehan, bukod sa katotohanang marami pa siyang mga bagay na kailangang gawin.
Paliwanag pa ni Aguirre, agad gumawa ang DOJ ng panel of prosecutors na agad ding nagsagawa ng preliminary investigation kaugnay sa mga kasong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Naglabas na rin aniya sila ng lookout bulletin laban sa mga respondents sa kasong inihain ng NBI, na kinabibilangan nina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, dating Customs Investigation and Intelligence Service chief Neil Anthony at maraming iba pa.