May mga ulat na bahagi ng ‘destabilization plot’ ang magaganap na transport strike-LTFRB
Nakakatanggap umano ng mga ulat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bahagi ng ‘destabilization plot’ laban sa gobyerno ang magaganap na dalawang araw na transport strike na magsisimula ngayong araw.
Sa text message na ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni LTFRB board member Aileen Lizada na bukod sa grupong PISTON na mangunguna sa transport strike ngayong araw, may ilang makakaliwang grupo rin ang lalahok sa kilos protesta.
Layunin umano ng mga ito na ipakita sa mamamayan at sa mundo na magulo ang kasalukuyang sitwasyon sa bansa bilang bahagi ng kanilang destabilization effort.
Gayunman, upang matiyak aniya na hindi gaanong maapektuhan ang publiko sa transport strike, maglulunsad ng ‘Kalayaan rides’ ang LTFRB upang maisakay ng libre ang mga maii-stranded na pasahero.
Bukod sa mga jeep, magpapalabas rin ng mga bus ang ahensya para matulungan ang mga commuter na maapektuhan ng transport strike.
Una nang nag-anunsyo ng dalawang araw na transport strike ang PISTON upang kondenahin ang napipintong jeepney modernization program ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.