Nagpatutsada si Davao City Mayor Sara Duterte sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa naging pahayag na posibleng pagdedeklara ng revolutionary government bilang pangotra sa bantang destabilization sa kaniya.
Ito ay matapos banatan ng Tindig Pilipinas ang Punong Ehekutibo bilang “paranoid at insecure” habang pinuna naman ng iba pang kritiko na ang banta ay “unconstitutional” at maaaring maging daan para sa diktaturya.
Ayon sa alkalde, “power grabber” na may patagong intensyon ang mga grupo o indibidwal na tumitira sa administrasyong Duterte.
Wala aniyang rason ang isang presidente para makadama ng pagka-insecure kung ang magiging dahilan lamang ang mga survey results, si Sen. Antonio Trillanes IV at ang Tindig Pilipinas.
Nanindigan pa ang alkalde na nanggagaling lahat ng mga lumalabas na destabilization plot mula sa intel reports at mapagkakatiwalaang source sa loob ng opisina ng mga oposisyon.