“JEEPNEY MODERNIZATION/PHASEOUT “ O “CONVERSION” ? sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Transport strike ngayon at mabuti na lang sinuspindi ng Malakanyang ang klase at trabaho sa gobyerno sa buong bansa.  Pero ang tanong, ano ba ang pinagtatalunang “jeepney modernization” at “jeepney phase out”?

Ayon sa DOTR-LTFRB, ang mga bagong pampasaherong jeepney ay mas ligtas at komportable, disiplinado at magagaling ang mga tsuper, bukod sa maayos na mga prankisa at mas mabilis na “travel time”.  Target ng DOTR ang 432,000 jeepneys na maging modernized lahat pagsapit ng 2020.  Kasama ito sa planong ayusin din ang mga pampublikong bus at mga truck sa lansangan.

Ayon kay LTFRB Martin Delgra, ang hulog ng jeepney operator ay P800 bawat araw sa interes na P5-6% lamang, kung bibili sila ng P1.2M o 1.4M na hulugang “modernized jeepney.  Mas matipid daw ang “electric charging” na kukunsumo ng P500 daily kumpara sa diesel na P1K-P2K bawat araw. Kayat mas malaki raw ang kikitain ng mga tsuper, mga P1,100 bawat araw sabi pa ni DOTR Sec. Arthur Tugade.

Maraming bangko ang handang magpautang sa mga bus at jeepney operators. Isang MOU ang nilagdaan ng DOTR- Land bank noong April 30 na P1-B financing mechanism sa mga individual jeepney operators sa pamamagitan ng SPEED Jeepney Program. Bukod dito, marami ibang brand tulad ng COMET, BEEP, ISUZU at SARAO.

Ayon naman sa Piston at Stop and Go Coalition, masyadong mahal ang “modernized jeepney”, at mababaon sila sa  utang.  Bukod dito, pinupwersa sila ng DOTR-LTFRB sa “modernization” at iniisa-isa nang kanselahin ang kanilang prankisa. Panggigipit na sinimulan ng Pnoy administration at tuluy tuloy ngayon sa panahon ni Pres. Duterte.

Ang dapat daw gawin ay i-upgrade na lamang ang mga kasalukuyan nilang jeepney para maging environmentally/friendly, euro compliant sa murang halaga na P500k hanggang P800K. Ang gusto ng DOTR ay gawing “corporate style” sa pamamagitan ng “kooperatiba” ang mga pampasaherong jeepney kung saan nabalewala na ang puhunang pawis at dugo ng mga operator na galing  pa ng Middle east o nagretiro sa trabaho.

Tataas daw ang kasalukuyang P10 minimum pasahe dahil ipapasa sa commuters ang utang ng  mga kooperatiba at mga bangko habang kikita siyempre ang mga “commissioner” sa mga bilyon pisong mga pautang at programa.

Kung susuriin, parehong tama ang magkabilang panig sa mga isyu ng “modernization, environmentally compliant at disiplina sa mga bastos na tsuper”. Pero, ang kabuhayan ng 432,000 jeepney drivers/operators ay isang sektor na hindi maaring isantabi ng ganoon-ganoon na lamang. “Timing” ang problema.

Bukod dito, pag-isipan din sana ang alok na “green jeepney” ng Aboitiz at ng SARAO, hari ng mga jeepneys, na ang “conversion” ng lumang jeepney ay P500,000 lamang. “Conversion hindi phaseout”.

Gustong gusto ko tuloy ang mga tanong ni Senador Philip Recto sa DOTR budget hearing. Yan ba makakaresolba ng traffic yan, yang babaguhin natin lahat ng jeep?   “Saka na yan. Ayusin muna natin ang Edsa, ayusin muna traffic, ayusin nyo yung MRT. Bakit ang iniisip natin ay palitan lahat ang mga  jeepney kaagad?

Mr Senator, I second the motion.

Read more...