Signature drive para buksan ang bank accounts ni Duterte inilunsad
Inilunsad sa University of the Philippines ang signature campaign para pilitin si Pangulong Rodrigo Duterte na pumirma ng waiver para buksan sa publiko ang mga bank accounts nito.
Kaugnay ito ng bintang ni Senador Antonio Trillanes tungkol sa bank account ng pangulo na naglalaman umano ng pahigit sa P1 Billion.
Ayon kay dating Social Welfare Sec. Dinky Soliman ng grupong Tindig Pilipinas, ang signature campaign na tinawag nilang pirma hindi porma ay naglalayong makakolekta ng isang milyong pirma.
Nananawagan din ang grupo na imbes na gipitin ni Duterte ang mga kritiko nito tulad nina Senador Leila de Lima, Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio-Morales kasama na ang mga institusyong pang demokratiko ay dapat itong makinig sa panawagan ng mamamayan.
Nilinaw naman ni soliman na hindi layunin ng kanilang signature campaign na patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.
Oras na makumpleto ang isang milyong pirma, ito aniya ay kanilang ipi-prisinta sa pangulo pati sa Malacañang, Senado at Kamara na nagpapayo kay Duterte.
Umaasa ang kanilang grupo na makikinig ang pangulo sa mga pipirma sa kanilang petisyon dahil hindi lamang siya presidente ng labing anim na milyong Pinoy na bumoto sa kanya kundi ng buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.