PAL flight sakay si Dr. Elenita Binay at Cong. Mark Villar, nag-emergency landing sa Davao
Bumalik at nag-emergency landing sa old airport sa Tagum City Davao del Norte ang isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na patungo sana ng Maynila.
Ilang minuto matapos magtake-off nagdeklara ng ‘emergency landing’ ang piloto ng PR 1814 dahil sa nakitang usok sa cargo compartment nito at inabisuhan ang mga pasahero na magsuot ng life vest, dahil may posibilidad na sa dagat sila lalapag.
Sakay ng nasabing eroplano si Dr. Elenita Binay na asawa ni Vice President Jejomar Binay, Las Piñas Rep. Mark Villar, Rep. Datu Pakung Mangudadatu at dating Cong. Prospero Pichay kasama ang mahigit 120 pa na mga pasahero.
Ayon kay Supt. Antonio Rivera, tagapagsalita ng Southern Mindanao Police, ang flight PR 1814 ng PAL ay umalis sa F. Bangoy International Airport alas 1:30 ng tanghali kanina, pero agad ding bumalik matapos makitaan ng usok ang cargo compartment nito.
Sa kalapit na lumang airport nakapag-landing ang eroplano sa halip na sa pinagmulan nitong paliparan.
Nang makalapag, agad ding pinasuri sa K9 ang eroplano na nag-negatibo naman sa bomba. Rumesponde din ang mga firetrucks at medical team.
Ayon sa mekaniko na sumuri sa eroplano, may problema sa spare parts ng eroplano.
Samantala, sinabi ni PAL Corporate Communications Manager Cielo Villaluna na iniimbestigahan na nila ang insidente. Sasailalim aniya sa technical assessment, evaluation at imbestigasyon ang nagkaproblemang eroplano.
Ang mga pasahero naman na naapektuhan ay agad inirebook ng PAL sa susunod na flight pa-Maynila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.