Inalerto na ng pamahalaang lokal ng Maynila ang emergency units nito para magbigay ng tulong sa mga commuters at motorista na maapektuhan ng naka-schedule na 2-day nationwide transport strike simula sa Lunes.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada, magde-deploy sila ng trucks, ambulances at rescue teams sa mismong araw ng strike at nakahanda na rin daw ang kanilang security personnel.
Bagaman kumpyansang hindi tuluyang mapaparalisa ng transport strike ang buong Metro Manila, sinabi rin ni Estrada na may mga sasakyan na ang Manila City Hall at Manila Police District na naka-stand by para magsakay sa mga mai-stranded na pasahero.
Samantala, maaga pa lamang sa Lunes ay magbabantay na ang Traffic Traffic Enforcement Unit (TEU) ng MPD, gayundin ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa tigil pasada.
Naka full alert na rin ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa ilalim ni Director Dennis Alcoreza para pangasiwaan ang pagmamando sa trapiko.