P2-B halaga ng mga pekeng produkto, nasabat sa bodega sa Binondo

Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang aabot sa P2 bilyong halaga ng mga pekeng kagamitan sa isang bodega sa Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, nasabat nila ang mga pekeng gamit sa tatlong units sa Huang Lim Hong Lian Building sa Binondo.

Kabilang sa mga nakumpiska ay mga pekeng gadgets, electronics, cameras, sabon panlaba, vape juice, sabong pampaputi at marami pang iba.

Natagpuan din nila doon ang mga pekeng persyon ng mga brands na Beats, Apple, Samsung, Adidas, Bose, Oppo, Olay at Aveeno.

Natunugan aniya nila ang tungkol sa nasabing bodega nang timbrehan sila ng brand owner na Unilever, na nagsumbong tungkol sa anila’y hindi otorisadong distribusyon ng mga peke nilang produkto.

Gayunman, sinabi ni Lapeña na hindi nila naabutan doon ang may-ari ng bodega na sinasabing inuupahan ng isang Brian Lee, o kahit man lang isa sa mga tauhan nito.

Dagdag pa ng BOC, hindi dumaan sa quality control ang mga nasabing pekeng produkto.

Read more...