WATCH: Halos 100 katao, huli sa ‘Oplan Rody’ sa Caloocan
Muling nagkasa ng simultaneous police operations ang mga tauhan ng Caloocan City Police.
Sa naturang operasyon, 59 na katao ang nahuling na nag-iinuman sa kalye at mga walang suot na pang-itaas, habang 39 naman na mga menor de edad ang lumabag sa curfew.
Isa sa mga nahuling nag-iinuman sa kalye ay si alyas Beloy. Aminado naman si Beloy na alam niyang bawal mag-inuman sa kalsada.
Pangalawang beses namang nahuli sa kaparehong operasyon ang isang Rey Tarde. Sa una ay itinanggi nito ngunit nang mapakitaan ng footage mula sa unang operasyon ay hindi na ito nakatanggi.
Kabilang naman sa mga na-rescue menor de edad ang dalawang apo ni Gloria Bitancor.
Umiiyak at nag-aalala si Aling Gloria nang dumating ito sa himpilan ng mga pulis at laking pasalamat niya nang makitang ligtas ang mga apo.
Aniya, inutusan lamang niyang bumili ng ulam ang siyam at labing pitong taong gulang na mga apong babae dahil hindi umano nila gusto ang nakahain nang pagkain.
Nang hindi pa bumabalik ang mga ito ay nag-alala na sila ng kanyang anak. Nalaman nila na nahuli pala ang mga ito matapos sabihan ng pinagbilhan ng mga ito ng ulam.
Samantala, bilang parusa ay pinag-push up ng 70 beses ng hepe ng Caloocan Police na si Senior Superintendent Jemar Modequillo ang mga nahuling nag-iinom sa kalsada at walang suot na damit pantaas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.