Panggulo lamang sa isyu ang mga binitiwang pahayag ng Human Rights Watch (HRW) kaugnay sa banta nitong maaring maalis sa United Nations Human Rights Council ang Pilipinas kung patuloy itong tatanggi sa isang independent investigation sa mga kaso ng patayan sa bansa.
Sa statement na inilabas ng Malakanyang, ipinaliwanag nito na maari lamang mapatalsik sa UNHRC ay kung mayroong ‘gross at systematic violation of human rights’ sa isang bansa.
Bukod dito, hindi rin aniya ang UNHRC lamang ang magdedesisyon ukol dito kung hindi ang UN General Assembly.
Kailangan aniya na magkaroon ng two-thirds vote an UNGA bago tuluyang mapatalsik ang isang bansa sa UNHRC.
Sa katotohanan aniya, malugod na tinanggap at pinuri pa ng UNHRC ang Outcome Report on the Philippines Universal Periodic review.
Dahil aniya dito, malinaw na nag-iingay lamang ang HRW upang guluhin ang isyu ukol sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Una rito, hinamon na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritiko ng kanyang administrasyon na ituloy ang banta na patalsikin ang Pilipinas sa UN Human Rights Council.