Simbahang Katolika sa pagbaba ng ratings ng Dutete admin: Hindi namin kasalanan yun
“Convenient excuse”
Ito ang naging sagot ng Simbahang Katolika sa pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ang mga puna mula sa simbahan ang sanhi ng pagbaba ng approval at trust satisfaction ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay CBCP Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, dapat tingnan muna ng iba ang kanilang asal bago punahin ang iba.
Aniya pa, isa si Alvarez sa mga tunay na nagpapabagsak sa Punong Ehekutibo.
Samantala, iginiit naman ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na ang nakuhang ratings ng pangulo ay bunsod ng nagpapatuloy na extrajudicial killings sa bansa.
Base kasi sa resulta ng 3rd quarter survey ng Social Weather Stations, lumabas na labingwalong puntos ang ibinagsak ng ratings ni Duterte kung saan ito na ang pinakamababang inabot ng pangulo simula ng mamuno noong 2016.
Pagdidiin pa ni David, ang pagtatanggi ng gobyerno sa umano’y EJKs ay hindi nakakatulong sa bansa.
Sa halip na sisihin ang iba, ipinunto ni David na dapat itigil na ng administrasyong Duterte ang patayan at tutukan na lang ang rehabilitasyon ng mga tao.
Isang indikasyon lang din aniya ang ratings na hindi payag ang publiko sa anti-narcotics campaign ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.