Sa ika-limang araw ng pagmamando ng traffic sa EDSA ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG), napatunayan umano nilang ang mga driver ng mga pribadong sasakyan ang mas matitigas ang ulo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni HPG Director Chief Superintendent Arnold Gunnacao na ang pagpapalit-palit ng linya ng mga pribadong sasakyan ay dahilan din ng pagbagal ng daloy ng trapiko.
Ang problema aniya sa mga motorista ay ayaw pairalin ang disiplina at gustong laging maisahan ang mga kapwa drivers.
“Private motorists are more stubborn than the bus drivers, they want to be ahead of others, palit ng palit ng linya. Pakiusap ko lang naman ay disiplina, gusto kasi nila ‘isahan’ lagi ang kapwa nila eh,” ayon kay Gunnacao
Ang mga pribadong sasakyan din aniya ang dahilan ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA-Santolan.
Ayon kay Gunnacao, naglagay na sila ng harang sa bahagi ng Santolan dahil maraming motorsiklo ang nagco-counterflow. “Nakakahiya na sa tabi pa ng Camp Crame ang dami-daming violators, kaya po nilagyan ng harang doon para walang mag-counterflow,” dagdag pa ni Gunnacao.
Samantala, sa limang araw na pagmamando ng trapiko sa EDSA, sinabi ni Gunnacao na malaki ang nakita nilang improvement sa daloy ng trapiko.
Ang mga sitwasyon at problema aniya na kinakaharap ng HPG sa araw-araw ang pinagbabasehan nila para sa ipatutupad na mga pagbabago.
Sa naranasang pagbaha nitong nagdaang mga araw, sinabi ni Gunnacao na may mga bahagi talaga ng Metro Manila na agad binabaha kapag umulan.
Kung ang isang sasakyan aniya ay mababa, hindi na ito lulusong sa baha dahilan para hindi na rin maka-abante ang mga nasa likod nito.
Dahil dito, ayon kay Gunnacao, isa sa mga ipatutupad nila ay ang mabilis na pag-aabiso ng mga lugar na may tubig baha para sa mga light vehicles ay agad makahanap ng ibang ruta.