Pag-urong ni Duterte sa 2016 presidential elections, taktika lang ayon sa isang political analyst
Bahagi umano ng taktika ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pag-aanunsyo nito na pinal na ang kaniyang desisyon na siya ay hindi tatakbo sa pagkapangulo sa 2016 elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng political analyst na si Prof. Ramon Casiple na alam ni Duterte na kapag nagdeklara siyang tatakbo bilang pangulo ay uulanin na siya ng kaso ng mga kalaban.
Ito aniya ang nangyayari ngayon kina Vice President Jejomar Binay at Senator Grace Poe. “Pag nagsabi kang tatakbo ka, siguradong tatargetin ka na, kakasuhan ka na, gaya nung kay VP Binay at ni Sen. Grace Poe” ayon kay Casiple.
Sinabi ni Casiple na ang bentahe ng hindi agad pagdedeklara ay hindi makakasuhan at hindi tatargetin ng kalaban.
Sa kaso ni Poe, na hindi pa din nagdedeklara, sinabi ni Casiple na kahit wala pa siyang pormal at opisyal na deklarasyon ay lagi naman itong nangunguna sa survey. “Yung kaso ni VP Binay, maliwanag naman may kinalaman mga kakampi ni Mar Roxas, yung kay Lito David, kahit sinasabi niyang on his own ang pagkakaso niya kay Grace Poe. Pero ang alam ko related si David kay Former Sec. Karina David na campaign manager ni Mar Roxas,” dagdag pa ni Casiple
Samantala, hindi kumbinsido si Casiple na hindi talaga tatakbo si Duterte dahil ang sinasabi nito ay taliwas sa kaniyang ikinikilos.
Katunayan ayon kay Casiple may ikinakasa pa ngang million people march para kay Duterte na gaganapin sa Quirino Grandstand.
Nilapitan din aniya si Duterte ng mga presidentiables gaya nina Binay, Roxas at Sen. Bongbong Marcos para himukin na tumakbong bise presidente, pero hindi napapayag si Duterte na nangangahulugang may plano talaga itong sumabak sa pampanguluhang halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.