Habang isinasagawa ng militar ang kanilang pinakahuling pag-atake para tuluyang mabawi ang Marawi City sa kamay ng Maute, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng atakihin din ng mga terorista ang iba pang lungsod sa Mindanao.
Ayon kay Duterte, hindi pa rin mawawala ang terorismo sa bansa sa susunod na pito hanggang sampung taon.
Posibleng sunod na atakihin aniya ng ISIS-inspired terror group ang Zamboanga, Isabela, Basilan, at iba pang lungsod ng sabay-sabay.
Binalaan ni Duterte ang militar na maaaring sabay-sabay umatake ang mga terorista sa mga nabanggit na lugar, batay na rin sa impormasyong natanggap ng kanyang tanggapan.
Sinabi ng pangulo na dapat maging handa ang publiko, dahil hindi aniya basta-basta mawawala ang terorismo, at malaki din ang posiblidad na maging ang mga kabataan ay maapektuhan.
Bagaman ikinalungkot ang dami ng nasawi sa kaguluhan sa Marawi, umaasa naman si Pangulong Duterte na malapit nang mabawi ang lungsod sa mga terorista.