WATCH: Brgy. Chairman, patay sa pamamaril sa Tondo, Maynila
Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin sa San Roque St., Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Chairman Arnel ‘Bong’ Parce, 47 anyos, ng Brgy. 20, Zone 2.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita na nakaupo ang biktima sa gilid ng kalsada kasama ang tatlong lalaki kabilang na ang isang alyas ‘Pipi’.
Biglang sumulpot ang riding-in-tandem at bumaba ang backrider sabay malapitang pinagbabaril ang biktima.
Nakipagbuno pa si alyas ‘Pipi’ sa suspect at makikitang pinaputukan siya nito.
Doon na niya naagaw ang baril ng suspect na agad namang tumakas at muling sumakay sa motorsiklo.
Samantala, dinala pa si Parce sa ospital, pero idineklara ring dead-on-arrival, habang ligtas naman na ang kalagayan ni alyas ‘Pipi’.
Tingin ng mga kasama ni Parce sa barangay, posibleng may kinalaman sa politika ang motibo sa pagpatay dahil maraming gustong umagaw sa pwesto, o di kaya naman ay may nakabangga si Chairman sa maigting na kampanya nito kontra iligal na droga.
Nakatanggap na rin umano ng death threats ang biktima ayon sa kanyang anak.
Nanawagan naman ng hustisya ang asawa ng chairman na si Luisa at nanindigang matinong opisyal ng gubyerno ang pumanaw na asawa.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.