2 baril, nadiskubre sa iniwang bag sa NAIA

By Kabie Aenlle October 12, 2017 - 03:51 AM

Natagpuan ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3) ang mga iniwang bagahe na naglalaman ng mga baril.

Ayon kay Aviation Security Group (AVSEGROUP) chief Supt. Christian Melchor, nakita ng security guard ang dalawang backpack at dalawa pang bag sa harap ng isang restaurant sa ika-apat na palapag ng terminal dakong tanghali kahapon.

Gumamit ang mga pulis ng bomb-sniffing dogs para matiyak muna na ligtas siyasatin ang mga nilalaman nito.

Pagkatapos nito ay saka nila nadiskubre na naglalaman ng dalawang cal. .45 na baril, apat na magazine at mga bala ang mga naturang bagahe.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal, sa ngayon ay iniimbestigahan pa nila kung sino ang mga nag-iwan ng mga bag sa pamamagitan ng pagsiyasat sa mga CCTV footages.

Aalamin din aniya nila kung paano nagawang maipuslit ng mga ito ang mga baril at bala sa mga x-ray scanners sa paliparan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.